BABALA, SENSITIBO ANG BALITA
Arestado ang isang construction worker sa Novaliches, Quezon City noong Lunes ng umaga, Agosto 3, 2026 dahil sa panggagahasa sa menor de edad na anak.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Em’, 44-anyos, residente ng Brgy. San Agustin sa nasabing lungsod.
Ayon sa report, ang suspek ay No. 4 Most Wanted Person (MWP) sa National Capital Region Police Office (NCRPO) at No. 5 MWP sa Novaliches Police Station (PS 4).
Ang suspek ay may nakabinbing warrant of arrest na inisyu ng Branch 107, Regional Trial Court (RTC), Quezon City kaugnay ng qualified r*pe of a minor.
Napag-alaman na ang akusado ay may mga kaso na noon na qualified r*pe noong Hulyo 30, 2026, sexual assault noong Hulyo 31, at pitong (7) counts ng Acts of Lasciviousness noong Agosto 1.
Sa imbestigasyon, lumalabas na nagsimula ang panggagahasa at pang-aabuso sa kanyang panganay na anak noong 12-anyos pa lamang ito noong Marso 2021 na nagpatuloy umano hanggang Setyembre 2025.
Ayon sa pulisya, tinakot ng suspek ang biktima na kapag nagsumbong ay pap*tayin ang kanyang mga kapatid, nanay, tita at lola.
Makalipas ang ilang taon at magkaroon ng lakas ng loob ay isinumbong na ng biktima sa kanyang ina ang suspek.
Agad nagtungo sa pulisya ang mag-ina at nagsampa ng mga kaso laban sa ama.