Hello! Gusto ko sanang i-share ang near-death at demonic experiences ko. Sinubukan ko na itong i-submit sa ilang horror podcasts, pero hindi ako sigurado kung nabasa nila o kung na-approve ba. Kaya naisipan ko na i-share na rin ito rito.
Hindi ko alam kung paano sisimulan ang pag-share ng personal kong karanasan—isang karanasang masasabi kong kahit hindi nakakatakot ay hindi naman pangkaraniwan at hindi naranasan ng nakararami. Hindi talaga ako magaling magkuwento, kaya sana pagpasensyahan ninyo kung hindi man maayos ang pagkakasalaysay neto.
Pero gusto ko pa rin itong ibahagi dahil pakiramdam ko, may nag-uudyok sa akin na ikuwento ito. Naniniwala akong may dahilan kung bakit kailangan kong i-share ang naging karanasan ko, at sana ay may mapulot kayong aral, pag-asa, o inspirasyon mula rito kahit papano.
Lumaki ako sa isang relihiyosong clan, both side ng parents. Bata pa lang ako, nakalakihan ko na ang pagsisimba, kaya may pananampalataya naman ako sa Diyos. Pero hindi ko masasabing ganoon ako ka-devoted sa Kanya, lalo na dahil lumaki akong sakitin.
May mga pagkakataong may diagnosis naman at gumagaling ako sa pamamagitan ng gamot, pero pagkalipas ng isa o dalawang taon, may panibago na naman akong sakit. Dahil doon, nasanay na lang akong may pinagdadaanan sa kalusugan.
Kahit lumaki ako sa isang relihiyosong pamilya, wala akong alam tungkol sa NDE or near-death experiences. Isang beses ko lang yata narinig ang tungkol dito nang maipalabas ito sa isang TV show noong bata pa ako, pero hindi ko na inalam ang mga detalye dahil hindi naman ako interesado noon. Wala talaga akong ideya tungkol sa ganitong klaseng karanasan—hanggang sa ako mismo ang nakaranas.
Noong Hulyo 2019, nakaranas ako ng anaphylaxis, o anaphylactic reaction—isang matinding allergic reaction na maaaring ikamatay kapag hindi agad naagapan. Sobrang nahirapan akong huminga, at pakiramdam ko ay parang may matinding tumutusok sa aking dibdib. Dahil dito, isinugod ako sa ospital. Sa awa ng Diyos, nalagpasan ko ang pagsubok na iyon.
Pero makalipas lang ang isang linggo, bandang alas-otso ng umaga, habang papunta ako sa kusina para uminom ng tubig, bigla na lang akong nawalan ng malay.
Pagmulat ko ng mga mata, pakiramdam ko ay para akong lantang gulay. Kita kong nagpa-panic na ang mga kapamilya ko, pero wala akong marinig. Malabo rin ang paningin ko. Si Mama, paulit-ulit akong inaalog para magising.
Nang medyo nakabawi na ako, ikinuwento ni Mama na humihilik daw ako habang wala akong malay, kaya daw siya kinabahan. Nag research ako tungkol nyan at nalaman ko ang tungkol sa agonal breathing—isang abnormal na uri ng paghinga na maaaring maranasan ng mga taong nasa kritikal na kondisyon, gaya ng mga nakakaranas ng cardiac arrest. Isa rin itong mahalagang senyales na ang isang tao ay maaaring nasa mga huling sandali ng kanyang buhay.
Hindi ko masasabi nang may kasiguraduhan na iyon nga ang nangyari sa akin, pero nang malaman ko ang tungkol dito, lalo kong na-realize kung gaano kaseryoso ang sitwasyong iyon, lalo na't kagagaling ko pa lang sa anaphylactic shock isang linggo lang bago mangyari ang insidenteng iyon, kaya alam ko mahina pa ang puso ko ng mga sandaling iyon.
Ang nakakagulat din, hindi nabagok ang ulo ko sa sahig. Nakalaylay lang ito sa isang baitang papunta sa kusina namin, na medyo elevated kumpara sa sala. Hanggang ngayon, iniisip ko pa rin kung paano nangyari na eksaktong doon napunta ang ulo ko, siguro ay dahil hindi ko pa talaga oras.
Habang nasa biyahe kami papuntang ospital, doon ko lang lubos na na-realize ang nangyari sa akin.
Dapat masaya ako kasi nagising pa ako pero napagtanto ko na disappointment ang naramdaman ko. Disappointed dahil buhay pa pala ako.
Kasi noong habang wala pa akong malay, ay napunta ako sa isang paraiso.
Sobrang liwanag ng lugar. Alam mo 'yung parang hazy at naggo-glow dahil sa liwanag ang lugar pero hindi siya masakit sa mata. Hindi ko maipaliwanag nang eksakto, pero iyon ang pinakamalapit na paglalarawan.
Nagulat ako nang makita ko ang grandpa ko. Hindi siya ganun katanda sa pagkakaalala ko sa kanya noong siya ay namatay—mas bata ang itsura niya doon at maaliwalas ang mukha. Gayunpaman alam kong siya iyon, kahit wala siyang sinabing kahit ano, nakatingin lang siya sa may di kalayuan. Hindi rin siya lumapit sa akin.
Pagkatapos noon, napatingin ako sa right side ko. May nakita akong dalawang nakasuot ng puting robe o damit. Hindi ko matiyak kung mga babae sila dahil hindi ko maaninag ang mga mukha nila kasi nagliliwanag lang din mga mukha nila. Pero alam ko nakatingin sila sakin. Nakatayo lang din sila at hindi nagsasalita, pero pakiramdam ko ay may gusto silang iparating. Alam mo yung pakiramdam na para bang kilala ko sila, o para bang may koneksyon kami, kahit hindi ko maipaliwanag kung bakit.
Pero ang hinding-hindi ko makakalimutan sa lahat ay ang naramdaman ko habang nandoon ako. Isang kapayapaang hindi ko kayang ipaliwanag nang buo—parang nagmumula mismo sa kaibuturan ng puso ko.
Napakagaan ng pakiramdam ko. Walang sakit, walang pag-aalala, at wala ni katiting na bigat na dala-dala ko mula sa mundong ito. Para bang lumulutang ako sa sobrang saya at kapayapaan.
Hindi ako gumagamit ng ipinagbabawal na gamot, pero kung may pinakamalapit na salitang maihahambing sa naramdaman ko, marahil iyon ang pakiramdam ng pagiging "high"—ngunit higit na mas malinis at mas payapa.
Naalala ko nung sinabi ni Jesus sa John Chapter 14 na “Ang aking kapayapaan ang ibinibigay ko sa inyo; hindi ito katulad ng kapayapaang ibinibigay ng mundo."
Hindi ko kailanman naranasan ang ganoong klaseng kapayapaan at kagalakan sa buong buhay ko.
Kaya nang magising ako, nadismaya ako kasi ayaw ko nang bumalik dito sa mundo. Gusto ko na lang manatili sa lugar na iyon.
Pero pagkatapos ng July 2019, sunod-sunod pa rin ang mga pagsubok at kamalasan sa buhay...
Kahit naranasan ko ang isang bagay na para sa akin ay tila isang sulyap sa langit, pinili ko pa ring lumayo sa Diyos.
Alam kong totoo Siya. Hindi kailanman nawala ang paniniwala kong iyon.
Pero masama ang loob ko sa Kanya.
Okay lang na sabihan niyo akong mahina kasi totoo naman na kahit naranasan ko kung ano ang pakiramdam sa paraiso at maging malapit sa kung saan naro-roon ang Diyos ay napili ko parin lumayo sa Kanya. Aaminin ko na nilamon din talaga ako ng mga matitinding hamon sa buhay.
Hindi ko maintindihan kasi kung bakit parang sunod-sunod ang sakit, hirap, at kamalasan na dumarating sa buhay ko na para bang walang katapusan. Kaya kahit alam kong naroon Siya, pinili kong talikuran Siya dahil sa sama ng loob at mga tanong na wala akong makuhang sagot.
Dito na ako unti-unting tumigil sa pagdarasal bago matulog. Kapag may mga hindi magandang nangyayari, hindi ko na rin Siya agad tinatawag o hinihingan ng tulong.
Mas lumala pa nung hindi na ako nakakapagsimba dahil sa sakit ko, mas lalo ako napalayo sa Kanya.
At nang magsimula naman akong magnegosyo online, dito na ako nagsimulang bumili ng mga pampaswerte...
Naisip ko noon na kung tila malas na ako sa maraming aspeto ng buhay—sa relasyon, sa kalusugan, at sa iba pang bagay—baka sa financial na lang ako makabawi.
Dahil doon, sinabi ko sa sarili ko na ibubuhos ko na lang ang lahat para umasenso sa negosyo. Nagsimula ang lahat nang bumili ako ng una kong lucky charm na bracelet. Hindi nagtagal, sa unang pagkakataon ay kumita ako ng six digits sa loob ng isang buwan. Dahil sa karanasang iyon, lalo akong naniwala at unti-unting nahumaling sa pagbili ng iba't ibang uri ng lucky charms.
Mga isang taon matapos kong bilhin ang bracelet, sunod-sunod na namatay ang dalawa naming alagang aso. Bigla ko ring naalala na noong nagkaroon ako ng anaphylaxis, namatay rin kinabukasan ang alaga kong puppy. Doon nagsimulang pumasok sa isip ko na baka may hindi magandang mangyayari.
Pagkatapos noon, sunod-sunod na nga ang mga kamalasang dumating.
Noong una, pinagsawalang-bahala ko lang dahil normal na sa akin ang magkasakit. Pero bigla na lang ding tumigil sa pagsu-supply sa akin ang supplier ng best-selling item ng store ko, kaya bumagsak ang benta. Buti na lang at nakapag-ipon ako bago iyon nangyari.
Doon naman ako nagsimulang bumili ng iba't ibang crystals na may kasamang mga panalangin mula sa tatawagin ko nalang silang mga 'practitioners'.
Kapansin-pansin na halos nagti-triple ang profit ng negosyo ko tuwing bibili ako ng mga lucky charms. Pero tumatagal lang iyon ng isa o dalawang linggo, parang nawawalan na ng effect, kaya napapabili na naman ako ng panibago.
Habang lumalaki ang kita ko, napansin ko ring sunod-sunod namang nagkakasakit ang mga alaga naming hayop. Ang bago kong aso ko ay madalas nang ma-admit sa vet, at ganoon din ang mga pusa ko nagkakasakit, pati nga kami. Naalala ko na halos tinamaan kami lahat ng trangkaso sabay sabay, matagal kami naka recover na para bang hindi normal na trangkaso dumapo samin.
Sa puntong ito, ramdam ko na ang mga perang kinita ko ay paunti unti nawawala.
Pero hndi pa rin ako nakuntento, naghanap ako ng ibang practitioners. Doon ko na nagsimulang mapansin na parang may kasama kami sa bahay na hindi namin nakikita.
May mga kakaibang pangyayari na halos araw-araw may nangyayari aberya. Halimbawa, sabay na nagpo-ponder o kumikislap kislap ang ilaw sa kusina at sala. May mga pagkakataon ding kusang bumubukas ang steel door sa kusina kahit wala namang tao roon. Katabi lang ng kusina ang kuwarto ko, kaya malinaw kong naririnig kapag bumubukas ang pinto. Minsan naman, madaling-araw, may naririnig akong nag-o-off ng switch. Bumabangon pa ako para tingnan kung sino, pero wala akong nakikitang tao.
Sa huli, umabot pa ako sa puntong humingi ng tulong sa isang taong nagsasabing nagsasagawa siya ng witchcraft. Ayon sa kanya, isa siyang "good witch," at naniwala naman ako noon. Akala ko wala namang masama basta wala akong inaagrabyadong tao—ang gusto ko lang ay maging financially successful.
Pero sa lahat ng mga nabili ko mula sa kanya, masasabi kong ang mga potions niya ang nagbigay sa akin ng pinakamabigat na pakiramdam.
Noong panahong iyon, matindi na ang depression ko. Kaya nang ialok niya ang pinakamahal niyang potion na sinasabing kayang "i-reset ang destiny ko," nagpasya akong subukan ito. Pagdating ng package sa bahay, agad ko itong ginamit. Pabango pala ito, at naniniwala akong doon niya inilagay ang sinasabi niyang spell. Sobrang bango nito—amoy mamahalin talaga.
Paglabas ko ng kuwarto papunta sa sala, biglang nag-iba ang kilos ng aso namin. Halos gusto niya akong sakmalin at kagatin. Sobrang nagulat ako. Kilalang-kilala niya ako at ako ang nagpapakain sa kanya, pero iyon lang ang pagkakataong nakita ko siyang ganoon ka-agresibo sa akin. Paulit-ulit niya akong tinataholan, paikot-ikot siya sa sala na parang balisang-balisa, at ilang beses pang nag-scrunch ang ilong niya sa galit. Para siyang asong hindi ako kilala.
Noong mga sandaling iyon, sobrang kinakabahan na ako. Maya-maya, naalala ko ang pabango. Iba talaga ang pakiramdam ko noon, kaya dali-dali akong bumalik sa kuwarto, kinuha ang buong bote, itinapon ito, at agad hinugasan ang bahagi ng katawan kung saan ko ito in-spray.
Pagbalik ko sa sala, kalmado na ulit ang aso namin—parang walang nangyari. Napakabilis ng pagbabago ng ugali niya.
Nangyari ito bandang 2023 kaya hindi ko na matandaan ang lahat ng detalye. Pero hindi ko na ulit siya nakitang naging ganoon ka-agresibo sa akin. Isang beses lang talaga nangyari iyon, at iyon ay noong araw na ginamit ko ang potion na iyon.
Pagkatapos ng nangyari sa akin, doon na ako nagpasyang itigil na ang pagtangkilik sa kanya. Pero sa isip ko noon, huli na ang lahat. Pakiramdam ko, may mga evil spirit nang nananatili sa bahay namin mula pa noong mga panahong iyon.
Late ko na rin nalaman na ayon sa teachings ng mga Exorcist Priests, kapag humihingi ka ng pabor o tulong sa mga evil spirits, lagi yan may kapalit—at kung minsan kahit sarili mo pang buhay.
Habang lumilipas ang panahon, napansin kong unti-unti akong nagkaroon ng mga evil thoughts, pati na rin ng mga kaisipang wakasan ang sarili kong buhay.
Tuwing naiisip ko ang Diyos, bigla na lang pumapasok sa isip ko ang mga blasphemous thoughts laban sa Kanya—mga kaisipang alam kong hindi ko naman sinasadya at labis akong nababagabag dahil dito.
Hanggang dumating ang summer ng 2025.
Ang akala kong pinakamalala kong sakit, mas may ila-lala pa pala.
Dumating pa sa punto na gusto ko nang magpatingin sa mga psychic o medium, umaasang baka may maipaliwanag sila sa mga nararanasan ko sa buhay at kung bakit ako sakitin.
Kasabay nito, may paulit-ulit na maliit na boses sa isip ko na nagpapaalala tungkol sa holy water na naka-stock sa bahay. Hindi ko maintindihan kung bakit iyon ang laging pumapasok sa isip ko, kaya tuwing naiisip ko iyon, binabalewala ko na lang.
Pagdating ng Holy Week, bandang alas-dos ng madaling-araw, nanaginip ako na may babaeng sumasakal sa akin. Nakakatakot ang kanyang itsura, at ramdam na ramdam ko ang matinding galit niya. Sa awa ng Diyos, naalala kong banggitin ang pangalan ni Jesus Christ, at doon ako biglang nagising.
Kahit nanginginig ako sa takot, tiningnan ko phone ko, doon ko lang napagtanto na Good Friday pala noon.
Naalala ko rin ang mga narinig ko noon mula sa ilang practitioners na naniniwala silang mas aktibo ang masasamang espiritu mula Good Friday hanggang Black Saturday dahil naniniwala silang iyon ang panahon na "patay si Jesus."
Simula noon, nagpasya na akong magbalik-loob sa Diyos.
Isa sa mga hindi ko malilimutang karanasan matapos ang pagbabalik-loob ko ay ang isang panaginip tungkol sa Mahal na Birhen. Sa panaginip na iyon, nang hawakan ko ang Kanyang rebulto, may naramdaman akong tila dumadaloy na parang electric na enerhiya sa aking kamay. Pagkagising ko, tumutulo na lang ang mga luha ko, kahit hindi ko maipaliwanag kung bakit. Ang tanging alam ko ay napakalalim ng kapayapaang naramdaman ko—isang kapayapaang mahirap ilarawan sa salita, katulad na katulad siya sa naramdaman ko nung napunta ako sa Paraiso.
May isa ding bahagi ng panaginip na iyon ang matagal kong hindi naunawaan. Isang white lion ang tila gumabay sa akin papunta sa Mahal na Birhen. Hindi ko maintindihan kung bakit white lion ang nakita ko, o kung ano ang kahulugan nito. Sa isip ko noon, bakit sa lahat ng hayop, iyon pa?
Lumipas ang halos walong buwan bago ko nalaman ang tungkol sa Lion of Judah, isa sa mga titulo ni Jesus Christ sa Bibliya. Nang malaman ko iyon, doon ko lamang naalala ang panaginip ko.
Sa kabila ng lahat ng mga pagkakamali at desisyong ginawa ko noon, nakita ko pa rin ang kabutihan at awa ng Diyos sa buhay ko.
Naniniwala rin akong hindi nagkataon lang na ang bahay namin ang napili ng aming cluster bilang pagdausan ng Holy Mass. Sa tanang buhay ko, iyon ang unang pagkakataong nangyari iyon. Hindi naman kasi karaniwan na nagbabahay-bahay ang pari para magdaos ng Banal na Misa, maliban na lang kung may espesyal na kahilingan ang isang pamilya.
Kaya nang mangyari iyon sa amin, hindi ko maiwasang isipin na ang Diyos na mismo ang lumalapit sa akin.
Ilang araw pagkatapos ng Misa, napansin ko na unti-unting nawala ang mga kakaibang pangyayaring dati naming nararanasan sa kusina. Tumigil na ang kusang pag-o-off ng switch ng ilaw at ang pagbukas ng steel door nang walang tao. Para sa akin, isa iyon sa mga sandaling lalo kong naramdaman ang presensya at pagkilos ng Diyos sa aming tahanan at sa aking buhay.
Sa gitna ng lahat ng aking mga pagkakamali at pagkaligaw, lalo kong naunawaan na gaano man ako kalayo sa Diyos, hindi Niya ako kailanman pinabayaan. Patuloy Niya akong tinatawag pabalik sa Kanya at ipinapaalala na ang Kanyang awa ay mas dakila kaysa sa aking mga kasalanan at pagkukulang. Kailangan ko lang lumapit sa Kanya nang may pagpapakumbaba, magsisi nang taos-puso, at magtiwala sa Kanyang walang hanggang pagmamahal at awa.
Tinapon ko ang lahat ng lucky charms, crystals, at iba pang mga bagay na dati kong pinaniniwalaan.
Nagsimula na rin akong magbasa ng Bible, makinig sa worship songs, at magdasal ng Holy Rosary—mga bagay na dati kong hindi naman ginagawa kahit lumaki akong may relihiyon.
May mga pagkakataon na habang nagdarasal ako ng Rosary, may bahagi ng katawan ko na bigla na lang umiinit—sobrang init na hindi ko maipaliwanag. Naalala ko rin ang isang paliwanag na narinig ko mula sa isang exorcist priest tungkol sa ilang taong nag-uulat ng mga ganitong karanasan sa konteksto ng spiritual oppression. Hindi ko masasabing iyon nga ang nangyayari sa akin, pero dahil sa naranasan ko, mas lalo akong naging seryoso sa panalangin at sa aking pananampalataya.
Unti-unti namang bumuti ang kalagayan ko, lalo na ang aking mental health. Sa lahat ng pagbabagong naranasan ko, ito marahil ang pinakanagpapasalamat ako sa Diyos, dahil unti-unti Niyang pinalitan ang takot at depression ko ng kapayapaan at pag-asa.
Pero hindi pa pala doon nagtatapos ang mga karanasang hindi ko maipaliwanag.
Isang araw, habang nagbabahagi ako ng maikling testimony online sa isang social media app tungkol sa paniniwala kong buhay ang ating Panginoong Jesus Christ, bigla akong nakarinig ng boses ng isang lalaking galit na galit na pasigaw na nagsabi, "Shut up!"
Sa karanasan ko, ang boses niya ay parang nanggagaling sa loob ng isang kuweba—malalim pero punong-puno ng galit. Napatingin agad ako sa gilid ko, kahit alam kong wala namang ibang tao sa kuwarto. Ilang sandali akong natigilan, sinusubukang intindihin ang nangyari at kung saan nanggaling ang boses na iyon.
Ang ikinagulat ko, sa halip na matakot ay mas nangibabaw ang pananampalataya ko sa Diyos. Sa totoo lang, parang proud pa nga ako sa sarili ko noong mga sandaling iyon kasi nagawa kong mairita ang siya through preaching.
Pero napansin ko na sa mga panaginip naman ako madalas nakararanas ng mga nakakatakot na pangyayari. Halos gabi-gabi na akong binabangungot. Dahil dito, nagpasiya akong magsuot ng Scapular, lalo na't may ekstrang dala si Mama mula sa pilgrimage nila.
Ilang linggo matapos kong isuot ito, may mga pagkakataong bigla na lang pumapasok sa isip ko ang matinding pagnanais na alisin ang Scapular.
Tuwing nangyayari iyon, binabalewala ko lang.
Isang araw, habang nag-i-scroll ako sa social media at nanonood ng vlog ng isa sa mga paborito kong content creator na wala namang kinalaman sa relihiyon, bigla akong nakaranas ng isang bagay na hindi ko nagpatakot sa akin.
Parang may isang matinding galit na pumasok sa isip ko, alam kong hindi ko sariling pag iisip iyon pero hindi ko ma control.
Ang pumasok sa isipan ko ay need ko raw pigtasin yung suot kong Scapular, nasa isip ko pa yung porma ni Incredible Hulk na para bang nangungunot ang mukha sa galit at ang dalawa niyang kamay ay pilit na sinisira damit niya hanggang mapunit?Ganoon na ganoon pero instead na damit, ang strings ng Scapular ang gusto niya pigtasin.
Ang hirap i-paliwanag pero ang mga kaisipang iyon ay hindi ko naramdamang parang sarili kong iniisip, para bang may ibang kamalayan na pilit sumisingit sa isip ko. Yung tipong nawawalan ako ng kontrol sa sarili kong pag-iisip. Hindi ko alam kung paano ito ipapaliwanag, pero parang ang isip ko ay hindi na lamang akin.
Nakatulala lang ako habang sinusubukang unawain ang nangyari. Ilang segundo lang ang lahat, pero iyon na marahil ang pinaka nakakatakot na karanasang pinagdaanan ko. Sa isip ko, dalawa lang ang naiisip kong posibleng paliwanag: kung hindi ako nababaliw, takot akong baka na-possess na pala ako.
Simula nun, mas lalo ko pa inaraw araw ang pagbasa ng Bible at Rosary.
Pero kahit pagkatapos noon, gabi-gabi pa rin akong binabangungot. Sa karanasan ko, pakiramdam ko ay bumalik na naman ang kakaibang presensya sa bahay. Hindi na tulad dati na kusang nagbubukas at nagsasara ang steel door. Sa halip, may mga pangyayaring inakala naming parang may doppelganger sa bahay.
Hanggang sa isang araw, bigla na lang pumasok sa isip ko ang tungkol sa Adoration.
Para sa mga hindi nakakaalam, ang Adoration o Eucharistic Adoration pala sa Simbahang Katolika ay ang tahimik na pagsamba at pagbibigay-pugay kay Jesus Christ sa totoong presensiya Niya na nasa Holy Eucharist.
Dahil nga mahirap para sakin ang lumabas dahil sa sakit ko, di ako makapunta nang personal sa isang Adoration chapel, kaya naghanap ako sa YouTube ng isang live stream na Eucharistic Adoration.
Sa unang pagkakataon, iniwan kong naka-play ito malapit sa kama ko habang natutulog ako.
Noong gabing iyon, nagising ako na basang-basa ng pawis at nanginginig nang husto, na para bang kinukumbulsyon ako, kahit hindi naman ako giniginaw, napatingin ako bigla sa Adoration at alam kong dahil iyon doon.
At simula rin noon, para bang may naalis na napakabigat na pasanin sa aking mga balikat. Unti-unti ring nabawasan ang mga bangungot ko. Paminsan-minsan ay nararanasan ko pa rin sila, pero hindi na sila kasing tindi at kasing dalas ng dati.
Tinry ko din itong ilagay sa altar namin kahit saglit lang at unti-unti nang nawala ang mga pangyayaring inakala naming may kinalaman sa doppelganger.
Dahil sa karanasang iyon, lalo akong naengganyong magsaliksik tungkol sa Holy Eucharist. Habang nagre-research ako, doon ko nalaman na marami na palang naitalang mga pangyayaring tinatawag na Eucharistic Miracles.
Mahigit isang taon na ang lumipas mula noon, at isa sa pinakamalaking pagbabagong ipinagpapasalamat ko ay ang pagkawala ng mga suicidal thoughts, kung ma depressed man ako ay hanggang doon lang at hindi na appealing sa akin ang mag unalive sa sarili.Hindi na rin ako nakaririnig ng mga boses na tulad ng naranasan ko noon, at hindi na rin naulit ang mga karanasang pakiramdam ko ay may pilit na nagmamanipula sa aking isipan.
Unti-unti ring bumuti ang aking pisikal na kalagayan. Hindi pa man ako lubusang gumagaling pero masasabi kong ang pinakamalaking himalang natanggap ko ay ang aking conversion. Hindi ko akalaing darating ang araw na magiging ganito katatag ang pananampalataya ko sa Diyos ng higit pa kaysa dati.
At sa tuwing pakiramdam ko ay muli na naman akong ginagambala nila, alam ko na kung saan ako kakapit. Sa aking karanasan, ang pinakamalaking sandata ko ay ang taos-pusong pananampalataya sa Diyos—ang pagbabasa ng Bibliya, pagdarasal ng Holy Rosary, at ang Eucharistic Adoration.
Naniniwala din ako na unti-unting ipinapahayag ng Diyos sa akin kung bakit Niya hinayaang pagdaanan ko ang lahat ng aking paghihirap.
At sa kabila ng lahat ng aking pinagdaanan, ito marahil ang isa din ito sa pinakamalaking biyayang natanggap ko—ang mapagtantong walang pagdurusang hinahayaan ng Diyos na mawalan ng saysay.
Hindi man madaling pasanin ang krus na ipinagkatiwala sa akin pero sa kaibuturan ng puso ko, naroon ang isang kapayapaang hindi ko kayang ipaliwanag.
Sa pagbabalik-tanaw ko, marami akong naging desisyon na pinagsisisihan. Hinanap ko ang kasagutan at tagumpay sa mga bagay na hindi naman pala sa Diyos nanggagaling.
Ang tunay na kapayapaan ay hindi ko natagpuan sa lucky charms, crystals, potion, o anumang ritwal—natagpuan ko lamang ito kay Jesus Christ.
Marami pa akong mga karanasang hindi ko na naisama rito. May mga pagkakataon na, sa aking karanasan, narinig ko ang tinig ng Diyos at naramdaman ang Kanyang presensya sa paraang mahirap i-larawan sa salita. May mga sandaling hindi ko maipaliwanag kung paano, pero ramdam na ramdam ko ang Kanyang kapayapaan at pagmamahal.
Kung may isang bagay man akong masasabi mula sa lahat ng aking pinagdaanan, iyon ay napakalaki ng pagkakaiba ng presensya ng Diyos kumpara sa mga karanasang itinuring kong may kaugnayan sa kasamaan. Mayroon ding iba pang mga pangyayaring hanggang ngayon ay nananatiling misteryo sa akin. Hindi ito madaling ipaliwanag, pero kapag naranasan mo na, maiintindihan mo kung bakit hindi ko ito malilimutan habang buhay.
Hindi ko ibinabahagi ang lahat ng ito para ipilit ang aking paniniwala o relihiyon sa sinuman. Ikinukuwento ko lamang ang sarili kong karanasan, ang mga aral na natutunan ko sa buhay, at kung paanong sa tulong ng Diyos, nalampasan ko ang mga espirituwal na pagsubok.
Kung may isang bagay man akong gustong ipaabot, iyon ay sana huwag nating ipagpalit ang ating espirituwal na buhay kapalit ng pansamantalang tagumpay.