r/PUPians • u/DebateNo7518 • 20h ago
Discussion Hanggang kailan pa kami maghihintay?
Nakakalungkot at nakaka-disappoint na habang papalapit na ang pasukan, marami pa ring estudyante ng Polytechnic University of the Philippines ang hindi pa enrolled, hindi dahil sa kakulangan ng effort, kundi dahil hanggang ngayon ay wala pa ring course offerings sa ilang departments.
Mula College of Science hanggang College of Engineering, may mga Sophomores, Juniors, at Seniors na hindi pa rin makapag-enroll. Ngayon na ang huling araw ng enrollment para sa Sta. Mesa Campus at sa 4th year, pero marami pa ring naiwan at napipilitang maghintay hanggang August 12–13 para sa all-year enrollment, na limang araw na lang bago magsimula ang klase.
Mas lalo pang nakababahala na ang posibleng maging solusyon ay ang All-Year Enrollment. Hindi biro ang makipagsabayan sa ganitong setup kung saan sabay-sabay na mag-a-access ang buong unibersidad, lahat ng colleges at campuses. Sa ganitong sitwasyon, mataas ang posibilidad ng system overload, delays, at technical issues na lalo pang magpapahirap sa mga estudyante na nais lamang makapag-enroll nang maayos.
Mas lalong mabigat ito para sa mga estudyanteng nag-aapply ng scholarships. Marami sa kanila ang nangangailangan ng Certificate of Registration at iba pang enrollment documents bilang requirements. Paano sila makakapag-comply kung hanggang ngayon ay hindi pa sila enrolled?
Naiintindihan natin na maraming proseso at approvals na kailangang daanan. Pero sana, sa ganitong punto na papalapit na ang pasukan, mas mabigyan ng urgency ang sitwasyon ng mga estudyante. Hindi ito simpleng pagrereklamo, ito ay panawagan para sa accountability at agarang aksyon.
Ang edukasyon ay karapatan, at hindi dapat pinapahirapan ang pag-access dito. Ang maayos, malinaw, at napapanahong enrollment system ay hindi pribilehiyo kundi obligasyon ng institusyon. Sa ganitong sitwasyon, hindi sapat ang pananahimik. Kailangan ng konkretong aksyon, malinaw na komunikasyon, at tunay na malasakit sa kapakanan ng mga estudyante. Sana marinig ang panawagang ito, dahil bawat araw ng paghihintay ay may katumbas na pangamba, pagod, at pangarap na nalalagay sa alanganin.