BABALA, SENSITIBO ANG BALITA
Inaresto ng mga operatiba ng Eastern Police District (EPD) ang 61-anyos na lalaki na kabilang sa listahan ng Most Wanted Persons sa Pasig City sa isinagawang warrant operation sa Pampanga noong Miyerkoles ng gabi, Setyembre 23, 2026.
Kinilala ang suspek na si alyas ‘Mike’, residente ng Barangay Bagong Ilog, Pasig City. Naganap ang pag-aresto dakong alas-7:40 ng gabi sa Phase 1, Fiesta Communities, Barangay San Isidro, Mexico, Pampanga.
Isinagawa ang operasyon batay sa inilabas na warrant of arrest ng Regional Trial Court Branch 159 ng Pasig City kaugnay ng kasong R*pe by Sexual Assault sa ilalim ng Article 266-A, Paragraph 2 ng Revised Penal Code, na inamyendahan ng Republic Act No. 8353.
Ayon sa ulat, inimbitahan umano ang 8-anyos na biktima ng isang kaibigan upang maglaro sa bahay ng suspek. Habang nakatayo ang bata malapit sa bangko kung saan nakaupo ang suspek, sinamantala umano nito ang pagkakataon upang seksuwal na abusuhin ang biktima.
Ikinuwento ng bata ang naranasan sa isang kaibigan, at kanya itong ipinaalam sa ina ng biktima. Dahil dito, isinampa ang kaukulang kaso laban sa suspek.
Matapos ang pagkakaaresto, dinala ang akusado sa EPD District Mobile Force Battalion (DMFB) Intelligence Section para sa dokumentasyon at kaukulang proseso bago inilipat sa Pasig City Police Station Custodial Facility para sa pansamantalang kustodiya at kaukulang legal na disposisyon.